Doble-Kara Nga Ba
Puso ko'y doble - kara nang mahalin kita
natutong umasam, magtiwala sa tamis ng iyong pagsinta,
subalit nabahiran ng pangamba at kawalang pag-asa
nang ako'y umibig, puso ko'y nahati sa dalawa!
Puso ko'y doble - kara kapag nakikita kita, sinta
lumulukso ang puso, ngumingiti't masaya,
ngunit kapagdaka'y nababalot ng lungkot, lumuluha
hindi ka maabot at mayakap, bakas ang pait sa mukha.
Puso ko'y doble - kara, kulay ay nagdadalawa
nag-uumapaw ng walang kapantay na matingkad na pulang-pula,
napakadilim naman kapag nasasaktan na't pait ay nalalasahan
tila hinuhugot sa kailaliman, binabalot ng itim ang pusong sugatan!
Puso ko'y doble - kara sa pagtibok, walang tigil, tumitipa
bumubilis ang pintig, tila hinahabol ang paghinga,
nanghihina naman at tumitigil sa hampas ng iringan
tila puso'y hapo, ayaw nang umandar, hangad lagi ay paglisan.
Puso ko'y doble kara, nagmamalupit kapagdaka
pilit nakikibaka, nakikituligsa sa di masang-ayunang paksa,
nakikiayon naman ito kapag nahimasmasan na
at nahinuhang may punto naman at maaari pa'ng isalba.
Puso ko'y doble - kara, sa pagmamahal matiyaga
pilit umuunawa sa kamalian at pagpapakita ng pagkalinga,
ngunit napapagod din sa di maiwasang pangungulila
nakakapanghina at ibig na huminto't ipagwalang bahala!
Puso ko'y doble kara, tigib sa pagsuyo't pagsinta
isinisigaw ang walang kupas at wagas na sumpa,
nababalot naman ito na paghahangad at pagnanasa
sa pita ng laman, sumasang -ayon at nakikiisa!
Ahhh...Isaisahin ko man ang dahilan ng pagiging doble-kara
wala nang hahalaga pa sa pintig ng puso'ng umaasa,
na tuluyang makamtan kahit mahirap ang magmahal
hindi laging masaya, ang magmahal ay mahirap pala!
Puso ko'y... DOBLE - KARA nga ba?
Inner Whispers
|