Love Poem: Pesteng Pag-Ibig, Bakit Mo Ako Ginanito
Inner Whispers Avatar
Written by: Inner Whispers

Pesteng Pag-Ibig, Bakit Mo Ako Ginanito

Sa maghapon ikaw ang laman ng isip ko
Sa gabi, sa pagtulog, ikaw pa rin ang laman ng utak ko, 
Saan nga ba ako susuling, saan nga ba ako pupunta? 
Hindi ko alam bakit nasumpungan kita.

Ang pag-ibig mo na nasa kabilang ibayo
Ang sarap pangarapin, maramdaman ng totoo
Ako ay lasing na sa pag-ibig mo, 
Ngunit nais ko pa'ng uminom sa alak ng pagsuyo mo.

Ako ay isang ibon na nasasabik sa pugad mo
Basang-basa na sa ulan ng pagsinta mo
Nais kong sumilong, maramdaman ko ang init mo
Pesteng pag-ibig, bakit mo ako ginanito!? 

Ikaw na nakaririnig sa bawat hinaing ko
Isa-isahin mo'ng himayin bawat kataga ng tula ko, 
Pagkat hindi lamang sa bawat katha ng bolpen ko
Namnamin mo'ng mabuti bawat himaymay ng puso ko...

Sa panahon nating makita ang isat-isa
Tignan mo'ng mabuti ang aking mga mata, 
sa bawat katagang usal ng aking bibig, 
Lahat ng salitang namumutawi ay dahil sa iyong pag-ibig.

Nais kong pigilin ang bawat kong tanong
Kaya basahin mo'ng mabuti bawat salita, talata at saknong, 
Na ikaw lamang ang bawat bulong
Ng puso kong pumipintig at nagtatanong.

Matikman ko lamang alak ng iyong pagmamahal
Ikukulong ko ang sarili at magpapakabanal, 
Na huwag nang tumikim pa sa alak ng iba
At di na malasing sa kandungan nila.

Sa bawat tula na aking nagawa
Laman ng puso ko aking inilathala, 
Ako ay maghihintay sa pag-ibig mong dalisay
Dahil nais kong malasing sa pag-ibig mong walang kapantay! 

Inner Whispers