T a N I K a L A
Walang laya niya'ng ginugol ang kahapong pait ang hatol
Tanikala'ng nag-uugnay sa kabiyak ng kaluluwa ay naputol,
Huminto sa pagtakbo, ngatal na napaluhod, humagulgol
Ano ba'ng dusa ito, tanikala'ng ginamit, bakit kinalawang at napurol?
Kinaladkad ang tanikala, pilit kumawala
Subalit hindi mawari, bakit nakakabit, ang hirap lumaya,
Hinubad na ang lahat, iniwan pati ang pag-asa'ng ligaya
Ngunit sa tanikala'ng nakakabit ay sadya'ng mahirap ang paglaya.
Pilit iniiwas ang sarili, hinayaang tanikala'y kumapit
Hinayaang maramdaman ang hapdi ng hapit, sa kanya'y may hatid na pait,
Nangako'ng hindi na tututol sa hila ng tanikala'ng nabanggit
At hayaan na lamang dumating ang magsasalba sa kanyang pagkakapiit.
Di niya akalain, sa di sinasadyang pagkakataon
Isang ligaw na mananaliksik sa kanyang teritoryo biglang nataon,
Hinawi ang kanyang tanikala, kinalag ang nakakapit na pag-asa
Upang muli ay magkaroon siya ng ligaya na dapat na matamasa.
Ang tanikala ay natunaw, sa tindi ng parating na apoy
Nagliliyab, batid ng puso ang dikta'ng tinutukoy,
Hinangad muli'ng makamtan ang tunay na tanikala
Na magsisilbing hatak sa kanya sa pag-ibig na hatid ay ligaya.
Halika na, mahal ko, sana'y maramdaman mo
Samyo at init ng tanikala'ng matatamo
Tigib sa pag-ibig, hindi na dapat pa'ng sumamo
Ang pulido'ng tanikala ay tiyak matatamasa mo!
Halika na, Mahal ko...
Lalagi ka'ng tanikala sa puso't isip ko...
|